Pwede ba kitang ligawan?
Tanong na sa tingin ko ay matagal tagal ko nang hindi nagagamit, isang tanong na minsan ko pa lang nagamit, at isang tanong na sa tingin ko ay matagal tagal ko na ulit magagamit. Hindi ko nga rin sigurado kung ito'y magagamit ko ulit.
Baka naman naisip niyo na wala na akong balak mag asawa kaya hindi ko na magagamit ulit ang tanong na iyon. Hindi. Hindi ko lang alam kung dapat ko pa bang itanong ito kapag gusto ko ang isang babae.
Mga babae, ano sa tingin niyo? Dapat bang itanong ng isang lalake kung pwede ba silang manligaw o hindi?
Pero paano pag nagtanong ang lalake at ayaw niyo naman pala? Alam niyo ba ang mangyayari? Nasa lalake din naman yun diba? Kahit ayaw nung babae na magpaligaw, merong mga lalake na nandiyan parin, nangungulit. Meron pa nga nagsasabi...
"Hihintayin nalang kita."
Ang epic diba? One boy, waiting for a girl to be ready.
Well, sa drama lang yan.
Kahit may kilala ako na isang lalake na naghintay talaga ng 14 years para maging ready ang babae, tingin ko parin ay walang kwenta ang paghihintay ng isang lalake sa isang babae. By experience.
Ulit, mga babae, dapat bang tanungin ng mga lalake kung pwede silang manligaw?
Isipin niyo ulit, pwede din nating irephrase ang tanong. Pwede natin gawing... "Pwede ba kitang mahalin?"
Kasi sa tingin ko ganun yun eh, kapag tinanong ka ng isang lalake, dapat mahal ka niya. At tapos, hindi ka pumayag, para na ring sinabi mo na hindi ka niya pwedeng mahalin. Isipin niyo, tama naman ako diba?
Nagtanong tanong din ako sa mga babae kong kaibigan, at ang sabi nila... Dapat daw tanungin muna sila kung pwedeng manligaw. Dahil daw paano sasagutin ng isang babae ang isang lalake kung hindi nila alam na nanliligaw na pala. Takot sila mag assume.
Well, may point sila. Pero minsan, kaya ayaw magtanong ng lalake kung pwede siya manligaw dahil may takot din siya. Takot na hindi pumayag ang babae at takot na mag iba ang turingan nila sa isa't isa.
Parehas na may takot. Pero kapag ang takot ng kahit isa ay mawala, alam ko, may love story nanaman na maisusulat.
Kaya ako, takot din ako. So ano plano ko? Ganun parin, hindi ako magtatanong kung pwede ako manligaw. Hahayaan ko nalang ang babae na malaman ito.
Kung medyo malas malas ako at hindi ito mahalata, saka ko palang sasabihin.
Pero hindi ako magtatanong.
Magsasabi ako...
"Ligawan kita ah!"
Wala na siyang magagawa... Hindi ito patanong, kaya hindi siya makakasagot. Ito ay pagbibigay alam lang.
Sana appropriate...
Sana may mag tanong nalang...
"Pwede mo ba akong ligawan?"